Sasagutin ng National Security Agency (NSA) ang panawagan ng ilang senador na sibakin si Southern Luzon Command Chief Lt.General Antonio Parlade Jr. bilang tagapagsalita ng National Task For to End Local Communist Armed Conflict.

Sa Laging Handa press briefing, sinabi ni NSA Secretary Hermogenes Esperon Jr. na mayroon na siyang ginagawang sulat na ibibigay mismo kay Senate President Vicente Sotto III at sa mga senador na hindi pumirma sa resolusyon laban kay Parlade.

“Tungkol dito kay Gen.Parlade, meron akong sagot sa kanila, mayroon akong ginagawang sulat dapat kahapon ko sana matatapos yun pero may mga bagong development kaya dadalhin ko yung sulat ko sa Senate President,” ani Esperon.

Kaya aniya kay Sotto niya ibibigay ang sulat ay dahil sinusuportahan ng Senate leader ang pambansang seguridad at hindi ito kasali sa mga humihiling na alisan ng pondo ang NTF.

Kinumpirma ni Esperon na nag-uusap sila ni Senador Panfilo Lacson sa pamamagitan ng palitan ng text message pero ang magiging sagot aniya nito sa pagpapasibak kay Parlade ay ididiretso niya sa liderato ng Senado.

May mga kakausapin pa aniya siyang ilang senador hinggil sa isyu kay Parlade at sa pinag-iinitang pondo ng NTF-ELCAC, at kinukunsulta na rin aniya nila ang kanilang legal officer hinggil sa pagkuwestiyon sa dalawang posisyon ng heneral sa gobyerno.

“Totoo yon meron kaming exchange ng text messages ni senator Lacson. Nag-uusap naman kami… maski na sila ay part ng legislative branch at tayo naman ay nasa executive branch ay hindi ibig sabihin noon ay hindi tayo puwedeng mag-usap. Meron pa kaming mga pinag-uusapan din sa panig ng NTF-ELCAC at ang ating legal officers,” dagdag ni Esperon.

Wala namang ibinigay na timeline ang kalihim kung kailan nila matatapos ang paglutas sa isyu dahil ang isinaalang-alang ng NSA ay hindi makompromiso ang pondo ng NTF -ELCAC.

“Timeline? Pabayaan nyo kami, wala naman kaming deadline na ibinigay sa sarili namin. Ang deadline namin, ang objective namin yan ay kung paano mabigyan ng karampatang tugon yung sentiments ng senado at sasabihin din namin yung aming tugon dahil parang nadadamay yung pondo ng NTF-ELCAC,” wika ni Esperon.

The post Esperon sasagutin Senado sa hiling na sibakin si Parlade first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/esperon-sasagutin-senado-sa-hiling-na-sibakin-si-parlade/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=esperon-sasagutin-senado-sa-hiling-na-sibakin-si-parlade)