Hindi umano humingi ng permiso si dating Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario kay dating Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III nang magdesisyong paatrasin ang barko ng Philippine Navy sa West Philippine Sea habang mayroong stand-off laban sa puwersa ng China.

Sa kanyang Talk to the People, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na ito ang dahilan kaya walang kahirap-hirap na naagaw ng China ang dalawang islang pinag-agawan sa West Philippine Sea dahil sa naging desisyon ni Del Rosario.

Sinabi ng Pangulo na nagmamarunong ang dating opisyal at ngayon ay gustong palitawin na ang kasalukuyang administrasyon ang nagpabaya sa pagkawala ng mga teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

“Sources say that he never got the permission from the President at that time, President Aquino. Iyan nga eh, nagmamarunong,” anang Pangulo.

Ito aniya ang problema sa mga taong marurunong at pakialaman ang mga isyu ng bansa na kalaunan ay maging dahilan para masira ang bansa.

“That’s the problem when these cockeyed scholars kuno, begin to think in the affairs of the country or allow them to have a wide elbowroom so as to commit  and discredit the country in the process,” dagdag ng Pangulo.

May isa pa aniyang taong nasa likod nang pagkawala ng teritoryo ng Pilipinas subalit ipapaubaya na niya  kay Presidential Spokesman Harry Roque ang pagsagot nito sa ibang pagkakataon.

Alam aniya ni Roque ang mga detalye at tunay na mga nangyari sa pagkawala ng dalawang isla sa WPS kaya ipauubaya na niya ito sa kalihim.

“Si Roque, abogado ito and he was one of the lawyers who filed a case in connection with this agawan sa West Philippine Sea. He is well-versed, well-equipped and he has the knowledge of what really happened,” wika ng Pangulo.

The post Ex-DFA Sec. Del Rosario nagmarunong sa WPS – Duterte first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/ex-dfa-sec-del-rosario-nagmarunong-sa-wps-duterte/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=ex-dfa-sec-del-rosario-nagmarunong-sa-wps-duterte)