Itinutulak ng isang senador paglaanan ng hanggang anim na porsyento ng Gross Domestic Product (GDP) para sa pangkalahatang budget ng sektor ng edukasyon sa susunod na taon kaugnay sa pagbangon ng sektor mula sa pinsala ng pandemya.

Ayon kay Senador Sherwin Gatchalian, ang anim na porsyento ay rekomendasyon ng United Nations sa ilalim ng Sustainable Development Goal 4 (SDG 4).

Saad pa nito, 759 bilyong pisong nakalaan para sa sektor ng edukasyon ngayon taon, katumbas ng apat (4) na porsyento ng GDP, upang tugunan ang mga epekto ng pandemya. Malaking bahagi ng pondong ito ay para sa basic education na katumbas ng mahigit tatlong (3.2) porsyento ng GDP.

Bilang pagtugon sa rekomendasyon ng UN, sinabi ni Gatchalian na ang mabisang paglalaan ng mas malaking pondo ay upang maiangat ang kalidad ng edukasyon, lalo na sa lokal na lebel. Iminungkahi rin niya ang paglaanan ng sapat na pondo para sa tinatawag na vulnerable group at gawing angkop ang pambansang budget para sa ‘new normal’.

“Gusto nating tiyakin na ang budget para sa sektor ng edukasyon ay angkop sa new normal sa pamamagitan ng paglalaan ng pondo sa distance learning, pagpapalawig ng paggamit sa internet, at pangangalaga sa kalusugan ng ating mga guro at school officials,” sabi ni Gatchalian.

Paliwanag pa nito, hindi sapat na pondo sa academic performance ng ating mga estudyante sa pamamagitan ng mga nagdaang global assessment.

Sa datos ng 2018 Programme for International Student Assessment (PISA), ang Pilipinas ay naglalaan ng mahigit walong libong (8,474) piso kada mag-aaral na may edad na anim hanggang 15 sa kabuuang panahon ng kanilang pag-aaral.

Sa Singapore, mahigit isang daang libong (109,060) piso ang ginagastos kada mag-aaral. Matatandaang sa halos 79 bansang lumahok sa PISA, Singapore ang nakakuha ng pangalawang pinakamataas na marka (549) sa Reading samantalang pinakamababa naman ang markang natanggap ng Pilipinas (340).

Upang madagdagan naman ang pondo sa edukasyon sa ilalim ng mga lokal na pamahalaan, isinusulong ni Gatchalian ang pagpapalawig sa paggamit ng Special Education Fund (SEF) sa Senate Bill No. 1579 o ang 21st Century School Boards Act.

Sa ilalim ng naturang panukala, ang SEF ay maaari na ring gamitin para sa sahod ng mga guro sa pampublikong paaralan, non-teaching, utility, at security personnel.

Kabilang din dito ang pasweldo sa mga preschool teacher, capital outlay para sa preschool, pagpapatakbo ng Alternative Learning System o ALS, distance learning, at mga programa para sa pagsasanay ng mga guro.

The post Gatchalian: Dagdagan pondo para sa edukasyon sa 2022 first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/gatchalian-dagdagan-pondo-para-sa-edukasyon-sa-2022/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=gatchalian-dagdagan-pondo-para-sa-edukasyon-sa-2022)