Dapat tugunan ng pamahalaan ang mga itinuturing na ‘learning inequalities’ at siguruhing bawat mag-aaral ay nakatatanggap ng dekalidad na edukasyon.

Ito ang panawagan ni Senador Sherwin Gatchalian sa pamahalaan sa pagresolba sa mga hamon ng distance learning at sa pagbangon ng sistema ng edukasyon mula sa pinsalang dulot ng pandemya.

Ginawa ng senador ang panawagan matapos lumabas sa isang Pulse Asia Survey na isinagawa noong Pebrero 22 hanggang Marso 3 na mahigit kalahati (53%) ng mga magulang o guardian na lumahok sa survey ang nagsabing ang hirap sa pagsagot sa module ang karaniwang suliraning kanilang kinakaharap sa distance learning.

Ngunit ang hirap sa pagsagot sa mga module ay mas laganap sa mga kalahok mula sa Mindanao (74%) kung ihahambing sa mga nasa National Capital Region (32%), ibang bahagi ng Luzon (43%), at Visayas (62%).

Habang dalawampu’t tatlong (23) porsyento ng mga magulang o guardian ang nagsasabing hirap sila at ang kanilang mga anak o inaalagaan na unawain ang itinuturo ng mga guro, mas marami sa mga kalahok mula Mindanao (33%) ang nag-ulat din ng ganitong problema kung ihahambing sa NCR (17%), ibang bahagi ng Luzon (24%), at Visayas (10%).

Sabi ni Gatchalian, bagama’t mahalaga ang mga hakbang tulad ng pagtiyak sa kalidad ng mga learning materials, ang ligtas na pagbubukas ng mga paaralan at pagpapalawig sa abot ng internet, dapat ding bahagi ng pagbangon ng sektor ng edukasyon ang pagkakaroon ng mahuhusay na guro upang suportahan ang mga nangangailangang mag-aaral.

Lumabas din sa resulta ng pag-aaral ng 2018 Programme for International Student Assessment (PISA) ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mga mahuhusay na guro sa mga paaralan kung saan maraming mga ‘low-performing’ at mga nangangailangang mga mag-aaral.

“Kung susuriin natin ang datos, marami sa ating mga kababayan sa Mindanao ang napag-iiwanan sa pagpapatupad ng distance learning at hindi natin ito dapat hayaang magpatuloy,” ani Gatchalian.

“Sa ating pagpapatupad ng distance learning at sa pagbangon ng ating sektor ng edukasyon mula sa pinsala ng pandemya, kailangang siguruhin natin na abot ng bawat mag-aaral ang dekalidad na edukasyon saan man sila nagmula,” dagdag pa ng chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.

The post Gatchalian: Tiyakin ang kalidad ng edukasyon sa pandemya first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/gatchalian-tiyakin-ang-kalidad-ng-edukasyon-sa-pandemya/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=gatchalian-tiyakin-ang-kalidad-ng-edukasyon-sa-pandemya)