Kumamada ng season-high 49 points si reigning back-to-back MVP Giannis Antetokounmpo upang pangunahan ang Milwaukee Bucks sa 117-114 panalo kontra sa kapwa Eastern Conference powerhouse Brooklyn Nets nitong Lunes, (Philippine time).

Naging sapat ang halimaw na laro ng Greek Freak, na nagdagdag pa ng walong rebounds, apat na assist at tatlong supalpal, upang sapawan ang 42-point performance ni Kevin Durant na siya namang nanguna para sa panig ng Nets.

Si Durant din ang nagmintis ng isang potential game-tying three pointer sa dulo ng laro, na siyang nagselyo sa panalo ng Bucks, na umakyat ang standing sa 40-24, pangatlong pwesto sa nasabing kumperensya.

Nag-ambag ang sidekick ni Antetokounmpo na si Khris Middleton ng 26 points at 11 rebounds, habang si Kyrie Irving naman ang nakatuwang ni Durant sa panig ng Nets tampok ang kanyang 20 points.

Sa ibang mga laro, tinalo ng Portland ang Boston, 129-119; giniba ng New York ang Houston, 122-97; naisahan ng Philadelphia ang San Antonio, 113-111 (OT); naungusan ng Phoenix ang Oklahoma City, 123-120; dinaig ng Sacramento ang Dallas, 111-99; tinusta ng Miami ang Charlotte, 121-111; at nilupig ng Toronto ang LA Lakers, 121-114.

The post Giannis balik MVP-mode, binuhat Bucks kontra Nets first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/giannis-balik-mvp-mode-binuhat-bucks-kontra-nets/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=giannis-balik-mvp-mode-binuhat-bucks-kontra-nets)