Aminado si Vice President Leni Robredo na mas nahuhumaling siya na tumakbo bilang local public official para sa 2022 national elections.

Sa kanyang radio show, nilinaw ni Robredo na noon pa lang ay sinasabi niyang bukas siya sa pagtakbo sa kahit anong posisyon sa 2022.

“Mula last year, sinabi ko na open ako sa lahat ng options. At ano yung options na yun? Tumakbo ako ng pangulo, governor, congressman, mayor. Or hindi na ako tumakbo at all – yun ang gusto ng mga anak ko,” ayon kay Robredo.

Ngunit pinaliwanag nito na dahil mas gusto niyang mapalapit sa mga komunidad ay ‘mas attractive’ sa kanya ang pagtakbo bilang local official.

“Di ko nga alam kung kakandidato pa ako. Mas attractive sa ‘kin ang local. Ang hinahanap ko kasi yung engagement sa ground. Ever since, ang trabaho ko, sa communities,” aniya pa.

“Despite that, naiintindihan ko may responsibilities ako. Kaya nga, hindi pa ako sarado na hindi ako magkakandidatong Presidente.”

Matatandaan na sinabi ni dating Senador Antonio Trillanes IV na balak tumakbo ni Robredo bilang governor ng Camarines Sur, kaya’t nagprisenta na principal candidate ang ex-senator ng 1Sambayan.

Paliwanag naman ni Robredo, wala pa siyang pinal na desisyon, at pinasinungalingan din ang mga ugong-ugong na nagpalipat na siya ng voters registration.

“Kung may desisyon na ako, bakit ko naman itatago? Walang desisyon dahil subsob na subsob tayo sa pandemic,” giit ng Bise Presidente.

The post Governor, congresswoman o mayor? Pagtakbo sa local position patok kay Robredo first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/governor-congresswoman-o-mayor-pagtakbo-sa-local-position-patok-kay-robredo/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=governor-congresswoman-o-mayor-pagtakbo-sa-local-position-patok-kay-robredo)