Hindi pagbibigyan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kapritso ng ilang Pilipino na Pfizer vaccine ang iturok sa kanila.

Sa kanyang regular Talk to the People, sinabi ng Pangulo na hindi maaaring exclusive lamang sa ilang local government unit ang Pfizer vaccine dahil hindi lahat ang nabanggit na brand ang dumarating sa bansa.

“Yong mga tao na would like to demand Pfizer at walang iba, ay hindi puwede yan kasi hindi naman lahat dumating sa atin puro Pfizer,” anang Pangulo.

Isa lamang aniya ang Pfizer sa mga dumarating na bakuna sa bansa at nariyan ang Sinovac at iba pang brand at lahat ng mga ito ay mabisang panlaban sa COVID-19.

Sinabi ni Pangulong Duterte na may ibang Pilipinong dapat makatanggap ng Pfizer vaccine kaya hindi uubra ang kagustuhan ng mga namimili ng bakunang gustong iturok sa kanila.

“Kung kayo lang ang may gusto tapos yung iba hindi mapagbigyan, paano yung ibang Pilipino? When you begin to be selective, the others will also begin to be agitated about the potency na pareho naman sa iba,” dagdag ng Pangulo.

Binigyang-diin ng Pangulo na dapat ay pantay-pantay ang pamamahagi ng bakuna, at dahil limitado lamang ang supply ng Pfizer hindi maaring  sa iisang lugar lamang ito.

Paano na lamang aniya ang ibang mga Pilipino kung pagbibigyan ang kapritso ng ilang mga Pilipino.

“There must be equality in everything. Kung sana maraming Pfizer tapos hindi maibigay sa inyo, then you have the reason to complain. But if it is a limited number tapos gusto ninyo sa inyo lang, hindi puwede. Kung ayaw ninyo, huwag, hindi na namin problema yan,” wika ng Pangulo.

Dahil dito iniutos ng Presidente na paghaluin ang brand ng mga bakunang ipinamimigay sa mga lokal na opisyal pati na ang mga ipinapadala sa iba’t ibang  lungsod at rehiyon sa bansa.

The post Hindi pwede ‘yan! Duterte sinita mga gusto ng Pfizer vaccine first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/hindi-pwede-yan-duterte-sinita-mga-gusto-ng-pfizer-vaccine/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=hindi-pwede-yan-duterte-sinita-mga-gusto-ng-pfizer-vaccine)