Ikinatuwa ni Senador Risa Hontiveros ang bagong resolusyon ng Employees Compensation Commission (ECC) na nagtatakdang bayaran ang mga empleyadong magkakasakit o magtatamo ng anumang pinsala kahit na sila ay naka-work-from-home.

“Ngayong mas marami na ang naka-work-from-home arrangements, malaking bagay na alam ng ating manggagawa na may sasalo sa kanila ano man ang mangyari sa kanila, saang lugar man sila nagtatrabaho, kahit pa sa bahay,” pahayag ni Hontiveros.

“Ang pagsisiguradong ligtas at malusog ng mga empleyado ay hindi lang dapat nakakulong sa apat na sulok ng opisina o tanggapan ng kompanyang pinapasukan nito,,” dagdag pa nito.

Ayon pa sa senadora, ang bagong resolusyon na ito mula sa ECC ay nagbibigay ng linaw kung paanong ang mga manggagawa ay makakakuha ng kabayaran kung sakaling magkasakit sila, magkaroon ng kapansanan o di kaya ay mamatay habang nagtatrabaho sa kani-kanilang bahay.

Sa Board Resolution No. 21-03-09, ang mga empleyado, pribado man o pampubliko, na magkakasakit, magkakaroon ng kapansanan o masasawi dahil sa pinsalang natamo habang nagtatrabaho sa bahay ay may kaukulang kabayaran sa ilalim ng Employees Compensation Program (ECP).

Kailangan lang ng written directive o kautusan mula sa kanyang employer na ang empleyado ay nasa isang work-from-home arrangement.

Para kay Hontiveros, ang panukala ay napapanahon lalo na’t inaasahang maraming sakit ang pwedeng makuha ng isang empleyado na nasa work-from-home set up dahil sa mas humahabang oras ng trabaho na lagpas sa dating walong oras kada araw na pasok.

Partikular niyang binanggit ang pinakabagong pag-aaral na inilathala ng World Health Organization (WHO) at ng International Labor Organization (ILO) na nagsasaad na mas high risk sa stroke at sakit sa puso ang mga taong nagtatrabaho ng higit sa 55 oras bawat linggo

“Simula nang mag work-from-home, mas naging sedentary ang lifestyle ng ilan. Marami din ang nagtatrabaho beyond office hours at namemeligrong magka-stroke at sakit sa puso katagalan. Ang resolusyong ito ay magbibigay sa mga empleyado ng kinakailangang proteksyon at safeguards para may pagkukunan sakaling maospital sila o sumailalim sa gamutan,” ani Hontiveros.

Sabi pa ng senadora, dapat na dapat magkaroon ng “right to disconnect” mula sa trabaho upang maiwasan ang pang-aabuso at pagsasamantala lalo’t marami ang ‘work mode on’ pa rin kahit tapos na ang oras ng trabaho.

Dagdag pa niya, oras na upang pakinggan ang panawagan ng labor unions na nagtutulak ng kaparehong hakbang.

The post Hontiveros nagalak sa kompensasyon sa mga magkakasakit na WFH employee first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/hontiveros-nagalak-sa-kompensasyon-sa-mga-magkakasakit-na-wfh-employee/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=hontiveros-nagalak-sa-kompensasyon-sa-mga-magkakasakit-na-wfh-employee)