Kinuwestiyon ni Senadora Risa Hontiveros kung bakit patuloy na pinupuri ng Malacañang ang mga aid at development assistance ng China sa Pilipinas.

Kinontra din ng senador ang pahayag ng Palasyo hinggil sa malaking na utang na loob ng Pilipinas sa China.

“Wala tayong utang na loob sa Tsina. Baka ang mga opisyal sa palasyo pa ang may utang na loob sa Beijing,” pahayag ni Hontiveros.

“Nakakapagtaka lang na ang nakaluklok sa Malacañang pa mismo ang nagpapabango sa pangalan ng Tsina, kahit umaalingasaw na ang baho ng pang-aabuso nila sa mga Pilipino sa West Philippine Sea. Ano ba ang ugat ng special friendship na binabanggit nila?” tanong pa nito.

Ginawa ni Hontiveros ang pahayag kasunod ng pahayag ng Investor Relation Office ng gobyerno kung saan ibinahagi nito na ang China ay ikalima sa ‘source of official development assistance (ODA)’ ng Pilipinas.

Nanatili ang Japan bilang top provider ng ODA at infrastructure development partner. Sinundan ito ng Asian Development Bank, World Bank at South Korea. Ang kabuuang ODA ng Japan sa Pilipinas ay $11.2 billion habang $600 milyon lang sa China.

“Malacañang should stop misleading the public. Huwag nilang pagmukhaing ang Tsina ang nangunguna sa pagbigay ng aid at loans sa Pilipinas. Nung una, ang sabi Build, Build, Build. Bakit naging Bow, Bow, Bow na yata?” ani Hontiveros.

“Inaagaw na nga ng China ang teritoryo natin sa WPS, tapos, tayo pa daw ang may utang na loob? Tayo dito sa Pilipinas ang nalulugi sa inaasal ng Malacañang,” sambit pa nito.

Noong 2018, sinabi ni Pangulong Duterte na ang China ang ‘important ingredient’ sa Build, Build, Build program ng pamahalaan.

Subalit noong Nobyembre 2019, nabunyag na sa 75 proyekto sa ilalim ng programa, siyam pa lamang ang nasisimulan.

“Poor in business sense, poor in foreign relations, poor in standing ground against bullies. Yan ang ipinapakita ng administrasyong ito. Nasa loob pa rin ng bansa ang higit 200 na Tsinong barko,” diin ni Hontiveros.

“Sa laki ng perwisyong dinala ng China sa WPS, ang China ang dapat mahiya at magbayad sa atin. Let’s not allow anyone, least of all our own officials, to tell us that we owe China a great deal. We must, at all times, put our country’s interests first,” pagtatapos nito.

The post Hontiveros: Tigilan na pagpapabango sa China first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/hontiveros-tigilan-na-pagpapabango-sa-china/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=hontiveros-tigilan-na-pagpapabango-sa-china)