Nagpaliwanag ang Malacañang kung bakit pinalapag sa Ninoy Aquino International Airport ang mga international flight na ang destinasyon ay sa Mactan, Cebu.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na kinulang ng mga hotel sa Cebu na paglagyan sa umuwing Overseas Filipino Workers (OFW) gayondin sa mga balikbayan kaya kinailangang i-divert ang flight ng mga ito sa Metro Manila.

Wala aniyang kinalaman ito sa hakbang ng Cebu City government na hindi pagsunod sa umiiral na protocol ng Inter-Agency Task Force.

“Ang nangyari po sa Cebu, naubusan po sila ng hotel at ngayon lang naaprubahan ng DOT na magkaroon ng mixed-use sa kanilang mga hotels,” ani Roque.

Dalawang araw na aniyang nagsara ang Mactan International Airport dahil wala ng mga hotel na paglagyan sa mga dumarating na OFW.

Sinabi ni Roque na inaayos na na ang arrival protocol sa Cebu pati na ang sistema para magkaroon ng sapat na hotel.

Tiniyak ng kalihim na panandalian lamang ang diversion of flights para sa mga pasaherong uuwi sa Cebu kaya konting tiis lamang aniya dahil maaayos agad ito.

“Habang inaayos lang po yung arrival protocols ay ire-reroute muna ang mga flights. Panandalian lang po yan at inaasahan natin na maaayos na yung sistema at magkakaroon na tayo ng sapat na hotels sa Cebu,” dagdag ni Roque.

Magiging epektibo ang diversion of flight ngayong Sabado, Mayo 29,2021 hanggang sa June 5,2021.

The post Kaya nilipat flight sa NAIA: Mga quarantine hotel sa Cebu kinapos – Palasyo first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/kaya-nilipat-flight-sa-naia-mga-quarantine-hotel-sa-cebu-kinapos-palasyo/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=kaya-nilipat-flight-sa-naia-mga-quarantine-hotel-sa-cebu-kinapos-palasyo)