Naghain si Senador Lito Lapid ng isang panukala na naglalayong amiyendahan ang Republic Act No. 10544 o Go Negosyo Act at mapalawak ang saklaw ng serbisyo sa mga negosyo center.

Sa kasalukuyang batas, ang mga serbisyong nakapaloob sa Negosyo Center (NC) ay tulong sa pagsisimula at pagparehistro ng negosyo, proseso ng dokumento, financing at marketing sa pamamagitan ng One Town One Product (OTOP) program.

Ang mga Negosyo Center na ito ay may kabuuang 1158 base sa 2021 NC director, ay testament na mahalaga ang papel ng gobyerno sa pagtulong sa MSME sa pagsisimula ng negosyo.

Para mapalawig ang presensya ng Negosyo Center, isinusulong ni Lapid na palakasin pa ito at gawing Rural Export Center.

Ito’y dahil ang mga rural business ay malayo sa trading at commercial centers gayudin sa mga transportation hub tulad ng international airport at seaport.

Bukod sa kanilang lokasyon, ang mga rural business ay may nahihirapan sa pag-access sa international market at pag-export ng kanilang produkto o serbisyo.

“Patunay ang napakaraming Negosyo Centers sa buong bansa, sa tagumpay ng batas na Go Negosyo Act. Naisip natin na magandang mas palakasin pa ang mga Negosyo Centers at gawin na rin silang Rural Export Centers para mas matulungan pa ang mga mga kababayan nating may maliliit na negosyo na nasa mga malalayo at liblib na lugar,” sabi ni Lapid.

“Oras na maging Rural Export Centers ang mga NC, malaki ang magiging pakinabang ng mga negosyante nating kababayan sa mga market research, strategic planning, and other support services na kayang ibigay sa kanila para lalo pang mapalakas ang kanilang laban sa merkado.,” paliwanag nito.

Sa ilalim ng panukala, ang mga Negosyo Center sa labas na highly urbanized city at metropolitan area ay gagawing Rural Expert Center ng MSMED Council at pangunahing gawain nito ay magbigay ng impormasyon at resources sa mga rural business na may kinalaman sa marketing at exporting ng kanilang produkto at serbisyo sa international market.

“Sa loob ng aking panukalang batas, layunin ko rin na bumuo ang MSMED Council ng isang website na siyang maglalaman ng mga magagandang ehemplo o best practices sa iba’t-ibang negosyo na magsisilbing inspirasyon sa ating mga kababayang negosyante, lalo na ‘yung mga nagsisimula pa lamang,” ani Lapid.

“Maganda ring magamit ang nasabing website para magpromote ng iba’t-ibang negosyo. Hangad ko na mapagtagumpayan ng bawat Pilipino ang negosyong napili nilang simulan, gaano man kaliit o kalaki ito kaya gagawin ko ang aking makakaya para matulungan sila sa pamamagitan ng mga panukalang magpapalakas pa lalo sa kanila,” saad pa nito.

The post Lapid pinaamyendahan Go Negosyo Act first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/lapid-pinaamyendahan-go-negosyo-act/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=lapid-pinaamyendahan-go-negosyo-act)