Pinaiimbestigahan na ng Department of Health (DOH) sa Food and Drug Administration (FDA) ang pagreseta ng ilang doktor sa gamot na Ivermectin na pinamudmod ng dalawang kongresista sa Quezon City.

Sa Laging Handa press briefing, sinabi ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na pinapa-check na ang resetang ibinigay ng mga doktor na walang pangalan at wala rin umanong license number ng mga doktor na namigay ng Ivermectin.

Wala pa aniyang go signal ang FDA para gamitin ang Ivermectin kaya titingnan kung ano ang magiging pananagutan ng mga doktor na nagreseta ng Ivermectin.

“Marami tayong batas na saklaw ang pagpe-prescribe ng gamot. Meron ho tayong Consumer Act, mayroong FDA Law, meron ding binigay na medical advisories ang medical society sa ating mga doktor,” ani Vergerie.

“The Secretary has already ordered the FDA to check on this prescription. Nakapagbigay na ang DOH ng kanilang posisyon na hanggang sa ngayon hindi pa natin nirerekomenda ang drug na ‘yan,” dagdag niya.

Binabantayan aniya ng DOH ang mga residenteng nabigyan ng Ivermectin at kung sakaling sumablay ito ay may pananagutan ang mga doktor na nagreseta nito.

“Kung ang doktor ay gustong magbigay ng ganyang gamot, the accountability is there, kailangan lang bantayan and DOH is also monitoring,” dagdag ni Vergeire.

Nanindigan ang DOH na wala pang ibinibigay na pahintulot ang FDA para gamitin ang Ivermectin maliban lang sa ilang ospital na nabigyan ng permiso para sa compassionate use sa nabanggit na gamot.

The post Libreng Ivermectin sa QC pinaiimbestigahan ng DOH first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/libreng-ivermectin-sa-qc-pinaiimbestigahan-ng-doh/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=libreng-ivermectin-sa-qc-pinaiimbestigahan-ng-doh)