Naghain ng resolusyon ang Makabayan bloc upang paimbestigahan ang umano’y pagpabor ng gobyerno sa pagbili ng imported na personal protective equipment (PPE) kaysa bilhin ang mga gawa ng lokal na pabrika.

Hiniing nina Bayan Muna Representatives Carlos Isagani Zarate, Ferdinand Gaite at Eufemia Cullamat, ACT Teachers Rep. France Castro, Gabriela Rep. Arlene Brosas at Kabataan Rep. Sarah Jane Elago sa House Committee on Trade and Industry ang pagsasagawa ng imbestigasyon.

Sa gitna ng kakulangan ng PPE at pagbagsak ng ekonomiya, nagsama-sama ang limang kompanya at itinayo ang Coalition of Philippine Manufacturers of PPE (CPMP) at gumastos ng $35M upang makagawa ng medical grade PPE.

Ang CPMP ay nakagagawa ng 57.6 milyong piraso ng medical grade N95, N88, KN95, at surgical masks at 3 milyong coveralls at gowns at 1.5 milyong square meters ng medical-grade fabric kada buwan.

Dahil hindi kumikita nagtanggal ng 3,500 empleyado ang tatlo sa limang kompanya sa ilalim ng CPMP mula Hunyo hanggang Disyembre 2020.

“However, despite the encouraging the local production of PPEs, the national government still preferred the procurement of imported PPE, mostly from China. This importation preference, which not only affected our much-needed dollar reserves also practically elbowed out local manufacturers that the government had asked to repurpose their factories for the anticipated increase demand for PPE during the pandemic,” saad ng resolusyon.

Naniniwala ang Makabayan na dapat ang bilhin ng gobyerno ay ang mga lokal na produkto upang matulungan ang mga lokal na kompanya at makalikha ng trabaho.

Sa kasalukuyan ang Procurement Service ng Department of Budget and Management (DBM) ang bumibili ng mga PPE at iba pang produkto na may kaugnayan sa paglaban sa COVID-19 at ang Department of Health (DOH) ang nagbibigay ng technical specifications.

The post Makabayan Bloc gusto imbestigahan imported PPE first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/makabayan-bloc-gusto-imbestigahan-imported-ppe/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=makabayan-bloc-gusto-imbestigahan-imported-ppe)