Nagdadalawang-isip sa bakuna ang karamihan sa mga parte ng mahihirap na komunidad sa bansa, ayon kay vaccine czar Carlito Galvez Jr.

Inulat ni Galvez kay Pangulong Rodrigo Duterte na aabot sa 30%hanggang 40% sa class D at E ang ayaw mabakunahan.

“Doon sa tinatawag nating ang Group D and E mataas ang hesitancy,” saad ni Galvez.

Iba naman ang sitwasyon sa mga middle class at may kayang pamilya, dahil sa class A, B at C ay mataas ang bilang ng mga gustong mabakunahan.

“Yung A, B and C group po ng population mataas ang uptake pero sa mga  barangay, kaloob looban ng mga congested area doon po tayo nahihirapan na more or less 30 percent or 40 percent parang ayaw magpabakuna,” lahad ni Galvez.

Bukod pa dito, nagkakaroon din ng problema dahil marami ring barangay health worker ang duda sa mga bakuna, kahit pa parte sila ng A1 priority group o iyong mga inuuna sa pagtuturok.

“Mayroon po tayong tinatawag na vaccine hesitancy lalong lalo na sa barangay health care workers so iyon hihikayatin ang DILG at LGUs na sumikapin na maincrease ang confidence sa public uptake,” sambit ng vaccine czar.

Nabahala din si Galvez dahil 11% pa lamang ng mga senior citizen ang nababakunahan, at aniya’y 60% ng nasasawi sa COVID-19 sa bansa ay mga edad 60 pataas.

The post Maraming mahirap ayaw pabakuna – Galvez first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/maraming-mahirap-ayaw-pabakuna-galvez/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=maraming-mahirap-ayaw-pabakuna-galvez)