Inaprubahan ng House Committee on Basic Education and Culture ang panukala na dagdagan ang bilang ng mga estudyante sa pribadong paaralan na binibigyan ng subsidy sa pagbabayad ng matrikula.

Walang tumutol nang aprubahan ni Committee chairman at Pasig City Rep. Roman Romulo ang panukala sa pagdinig noong Huwebes.

Ayon kay Laguna Rep. Ruth Mariano-Hernandez, ang nanguna sa Technical Working Group na nagsama-sama sa House Bill Nos. 3781, 7635 at 7667 isasama na sa binibigyan ng subsidy ang mga kindergarten at elementary student.

Sa kasalukuyan ang binibigyan ng subsidy ay ang mga piling estudyante sa pribadong high school.

Umapela naman si Education Undersecretary Tonisito Umali sa mga miyembro ng komite na maglagay ng probisyon para ang prayoridad na mabigyan ng subsidiya ay ang mga pamilya na low at middle-income earner.

Ang ibinibigay na subsidiya ay depende sa lugar at ang pinakamalaki ay sa National Capital Region dahil mas mataas ang matrikula rito.

Ayon kay Romulo makatutulong ang programa upang mabawasan ang mga lumilipat sa pampublikong paaralan at hindi na madagdagan ang siksikan sa mga ito.

The post Mga estudyanteng may subsidy dagdagan – solon first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/mga-estudyanteng-may-subsidy-dagdagan-solon/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=mga-estudyanteng-may-subsidy-dagdagan-solon)