Nais ng mga alkalde sa Metro Manila na magkaroon ng pagluwag sa quarantine restriction sa rehiyon.

Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Benjamin Abalos Jr, isa sa kahilingan ng mga mayor ay buksan ang mas marami pang negosyo sa NCR.

“Ang napagkasunduan ng mga alkalde kagabi ay number 1 lakihan pa ang capacity at to have more activities at mga negosyo,” saad ni Abalos sa panayam ng TeleRadyo.

Para magawa ito, nilalakad ng mga Metro Manila mayor na mabakunahan na ang mga nasa A4 priority group o iyong mga essential worker.

“Itinutulak po ng mga alkalde na pati A4, bakunahan na. Ang depinisyon po ng NEDA  (National Economic and Development Authority) ay lahat ng manggagawa except those working from home,” saad ni Abalos.

Bukod pa dito, inirekomenda rin ang pagtaas sa 50 percent seating capacity sa mga religious gathering.

Mananatili naman sa 10 PM hanggang 4 AM na curfew sa NCR, base sa rekomendasyon ng mga mayor.

The post Mga NCR mayor humirit na luwagan quarantine restriction first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/mga-ncr-mayor-humirit-na-luwagan-quarantine-restriction/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=mga-ncr-mayor-humirit-na-luwagan-quarantine-restriction)