Hindi muna papapasukin sa bansa ang mga biyaherong magmumula sa Oman at United Arab Emirates (UAE), maging ang mga mayroong travel history sa mga nabanggit na bansa sa nakalipas na 14 na araw.

Ito ang inilabas na desisyon ng Inter-Agency Task Force epektibo ngayong Mayo 15 hanggang sa katapusan ng buwan, batay sa anunsiyo ni Presidential Spokesman Harry Roque.

Layon ng travel restriction na hindi makapasok sa bansa ang double mutant variant ng COVID-19 na unang nakita sa India.

“All travelers from Oman and the United Arab Emirates (UAE)  or those with travel history to these two countries within the last 14 days preceding arrival shall be prohibited from entering the Philippines beginning May 15-May 31, 2021 upon the recommendation of the Department of Health (DOH ) and the Department of Foreign Affairs,” ani Roque.

Pero sinabi ni Roque na maaari pa ring makapasok sa bansa ang mga in-transit na pasahero mula sa mga nabanggit na bansa bago ang May 15, subalit kailangang sumailalim sa mas mahigpit na quarantine at testing protocols.

Kabilang dito ang absolute facility-based 14 day quarantine period kahit pa mayroong negative PCR test result ang mga ito.

Pinalawig din ng IATF ang umiiral na travel restrictions para sa mga pasahero mula sa India, Pakistan, Nepal, Bangladesh at Sri Lanka hanggang sa May 31, 2021.

“Meanwhile, all existing travel restrictions of passengers coming from India, Pakistan, Nepal and Bangladesh are extended until 23:59H of May 31,2021,” dagdag ni Roque.

Inatasan naman ng IATF ang Department of Transportation (DOTr) na ipaalam sa mga airline ang travel restrictions at huwag magsakay ng mga pasaherong sakop ng travel ban.

The post Mga pasahero mula Oman, UAE bawal sa ‘Pinas first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/mga-pasahero-mula-oman-uae-bawal-sa-pinas/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=mga-pasahero-mula-oman-uae-bawal-sa-pinas)