Maaaring makasuhan ng reckless imprudence ang mga pasaway na Pilipinong lalabag sa quarantine at basic health protocol habang nahaharap sa COVID-19 pandemic ang bansa.

Ito ang inihayag ni Chief Presidential Legal Counsel Secretary Salvador Panelo matapos ihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang ‘Talk to the People’ na naghahanap ito ng maikakaso laban sa mga lumalabag sa quarantine protocol.

Sinabi ni Panelo na nakasaad sa ilalim ng Codigo Penal na maaaring gamitin ang reckless imprudence sa mga hindi susunod sa isang patakaran na may posibilidad na makapinsala o mahakawa sa iba sa kaso ng problema sa COVID-19.

“Mayroon po, sa ilalim ng Codigo Penal, yung tinatawag na reckless imprudence. Kung yung isang tao na lumabag sa protocol, alam niya na kung siya ang lumabag ay mayroong posibilidad na mahawaan, makahawa siya kung mayroon siya,” ani Panelo.

Isang taon na aniyang paulit-ulit na ipinanawagan at ipinatutupad ang kalakaran sa pag-iingat para hindi matamaan ng COVID-19 kayat kung lalabag ay isang patunay na hindi sumunod sa patakaran ng gobyerno.

Sinang-ayunan naman ni Pangulong Duterte ang naging pahayag ni Panelo na aniya ay pasok ang mga pasaway sa quarantine protocols sa reckless imprudence.

“Tama ka, I agree with you. Papasok yan. The law does not limit into itong nasagasaan, reckless imprudence resulting in homicide, may namatay, reckless imprudence na nakasakit ng tao. But it could also apply itong ganitong sitwasyon. Anything that is wrongful act that would result to the detriment of the people of the community,” anang Pangulo.

The post Mga pasaway sa quarantine pwedeng kasuhan – Panelo first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/mga-pasaway-sa-quarantine-pwedeng-kasuhan-panelo/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=mga-pasaway-sa-quarantine-pwedeng-kasuhan-panelo)