Sa pagpapatuloy ng sesyon ng Senado sa Lunes, isusulong ni Senador Francis Pangilinan na palawigin ang validity ng pondo sa ilalim ng Bayanihan 2 law mula Hunyo 2021 hanggang Disyembre 31, 2021.

Ito’y kasunod ng ulat na mabababang paggamit ng pondong inilaan para tulungan ang mga mangggagawa ng sektor ng transportasyon na nawalan ng trabaho sa panahon ng pandemya.

“May perang nilaan ang Kongreso para sa ating mga jeepney drivers tapos nakikita natin silang namamalimos sa kalye. Mali ‘yan. Gamitin na ang pondong nilaan para sa kanila,” pahayag ni Pangilinan na nagtulak ng pondo para sa Service Contracting Program ng Bayanihan 2.

Sa report ng Department of Transportation, P40 milyon lang ang nagamit mula sa P5.58 bilyon o mas mababa sa isang porsiyento ng kabuuang pondo na inilaan para sa Service Contracting Program na naglalayong bigyan ng kita ang mga public utility vehicle (PUV) driver na nawalan ng kabuhayan dahil sa lockdown.

Ang Service Contracting Program ay idinisenyo para i-hire ang mga PUV operator at driver na nawalan ng ruta matapos limitahan ang transportasyon dahil sa lockdown.

Sa ilalim ng LTFRB Memorandum Circular (MC) No. 2020-079, ang mga driver ng mga dyip ay dapat bigyan ng ayudang P800 kada araw habang P1,200 naman sa mga bus driver.

Noong Setyembre 2020 pa nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Bayanihan Law subalit hanggang ngayon ay hindi naipapatupad mabuti ang nasabing programa.

“Para sa kanila ang pera, kailangang makaabot sa kanila nang may makain at pang-tustos ang pamilya,” ani Pangilinan.

Kung mapapalawig ang pondo ng Bayanihan 2 law, magkakaroon pa ng sapat na panahon ang Department of Transportation at Land Transportation Franchising and Regulatory Board para pabilisin ang implementasyon ng naturang programa.

The post Mga PUV driver salat sa ayuda – Pangilinan first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/mga-puv-driver-salat-sa-ayuda-pangilinan/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=mga-puv-driver-salat-sa-ayuda-pangilinan)