Kung magkakaroon umano ng sobrang bakuna laban sa coronavirus disease, dapat gamitin ito sa mga estudyante.

Ito ang suhestiyon ni Senador Christopher ‘Bong’ Go, kasabay ng panawagan sa National Task Force Against COVID-19 na pag-aralan kung pupuwedeng mabakunahan din ang mga estudyante sa hinaharap sa oras na tapos na ang mga nasa priority list sa vaccination program ng gobyerno.

“Pwede rin po i-recommend natin at pag-aaralan po ito ng NTF about the students kasi marami po ‘yan. Pero syempre, 18 years old and above, ‘yun pa rin po ang babakunahan sa ngayon,”

Ayon kay Go, chair ng Senate health committee, importante sa ngayon na sumunod ang na sundin ang vaccine priority list lalo na limitado pa ang global supply ng COVID-19 dose.

‘Yun po ang kasunduan ng COVAX. May edad na sinusunod, priority list. Darating din tayo d’yan,” paliwanag nito.

Pero kung sobra-sobra lang din aniya ang bakuna sa hinaharap, mas mainam na gamitin ito sa mga estudyante para makabalik na sila sa kanilang face-to-face classes.

“Kung ako lang ang masusunod, kung sobra-sobra naman ang bakuna natin, bakit hindi? Importante din po ang mga estudyante para unti-unti na silang makabalik sa kanilang pag-aaral,” sabi ni Go

“Pero kailangan muna nating sundin ang priority list dahil limitado po ang bakuna. Bagama’t may dumarating, we are 110 million Filipinos. Ang bakuna po na dumarating ay wala pang ten million kaya pinagkakasya pa po ito sa lahat ng nasa priority list,” dagdag pa nito.

Nauna nang inirekomenda ng World Health Organization (WHO) ang istriktong alokasyon ng bakuna sa mga healthcare worker, mga matatanda at mga indibidwal na may comorbidities.
Inatasan na rin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga concerned agency at local authority na sumunod sa vaccination priority lists. Sa susunod na buwan ay buksan naman ang A4 at A5 group.

“Nasabi na ito ni Pangulong Duterte. Dapat walang piliin. Sumunod tayo sa priority list kung sino po ang nasa A1, A2, A3. Hintayin niyo lang po, sa susunod na buwan o soon, bubuksan na ang A4. Mga essential workers, delivery riders, under A4 po ‘yan. Ang mga indigents po under A5 ay susunod na rin po,” ani Go.

“Pero sabi ni Pangulo, dapat walang pilian kasi kawawa naman po ang mahihirap nating mga kababayan kung magpipilian tayo. Dapat kung ano ang nandiyan, magpabakuna na tayo,” saad pa nito.

The post Mga sobrang bakuna, iturok sa estudyante – Bong Go first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/mga-sobrang-bakuna-iturok-sa-estudyante-bong-go/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=mga-sobrang-bakuna-iturok-sa-estudyante-bong-go)