Malamig ang Malacañang sa mungkahi ng ilang sektor na ipatigil ang dolomite project sa Manila Bay at gamitin ang pondo sa mas importanteng bagay gaya ng pagtugon sa problema sa COVID-19.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na hindi maaaring i-realign ang pondo ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) para sa dolomite project dahil ito ay matagal ng budget at hindi sakop ng Bayanihan Law.

“Bagamat mayroon tayong Bayanihan Law, hindi po applicable iyan doon para sa mga funds na na-commit na po,” ani Roque.

Ipinaliwanag ng kalihim na maaari lamang ire-align ang ilang pondo na hindi pa nagamit para sa specific purpose.

Pero kapag aniya ang proyekto ay dumaan na sa bidding at naumpisahan na, hindi maaaring i-realign ang pondo para sa ibang pagagamitan.

“Mayroon kasing dalawang distinction yan—puwedeng ma-realign ang ilang pondo na hindi pa siya naa-align for specific purpose. Pero ito, completely bidded out and partially executed, so kinakailangan pong tapusin yan,” dagdag ni Roque.

Nauna rito, napaulat na inanod umano sa dagat ang itinambak na dolomite sand sa Manila Bay kaya iminungkahing gamitin na lamang ang pondo sa pagtugon sa COVID-19 problem sa bansa. (Aileen Taliping)

The post Milyong pondo sa Manila Bay dolomite project bawal na ilipat – Palasyo first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/milyong-pondo-sa-manila-bay-dolomite-project-bawal-na-ilipat-palasyo/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=milyong-pondo-sa-manila-bay-dolomite-project-bawal-na-ilipat-palasyo)