Nilantad ni Cavite Governor Jonvic Remulla na may mga nagpaparamdam na sa kanyang ‘middle man’ ng mga nag-aambisyong maging susunod na Pangulo.

Sa Facebook post ni Remulla, sinabi nito na gustong makipag-usap sa kanya ng kampo ng ilang presidential aspirant para makuha ang suporta niya.

“Marami na ang mga namamagitan para sa mga may ambisyong tumakbo bilang pangulo. Gustong humarap sa akin, makipag-usap at kumuha ng suporta para sa darating na halalan,” saad ni Remulla.

Ngunit aniya, wala pa siyang interes na makipagkita kahit kanino dahil gusto mo niyang malaman ang mga plano nila para maisaayos ang bansa.

Sambit ng gobernador, ilang beses nang nadidismaya ang mga Pinoy sa mga politikong maganda ang intensyon sa una, ngunit hindi natutupad ang mga pangako.

“The economy is now in shambles. May drugs pa rin sa lansangan. Extrajudicial killings left and right. Nonstop red-tagging. Continuous inability to manage the pandemic situation more efficiently. Patuloy ang nakawan at corruption habang marami ang gutom at naghihirap,” giit ni Remulla.

Kaya naman naisip niya na imbes mag-endorso ng kandidato, ay mas magandang ang kanyang nasasakupan ang magrekumenda kung sino ang susunod na mamuno sa bansa, kahit pa mahabang proseso ito ng dayalogo at konsultasyon.

“I’d rather we do this together as one massive collective force of 2.2 million strong registered voters – so we can shape the conversation and contribute to the country as a whole,” lahad ni Remulla.

The post Naglalaway sa boto ng Cavite! Mga gustong maging Pangulo, umaaligid kay Remulla first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/naglalaway-sa-boto-ng-cavite-mga-gustong-maging-pangulo-umaaligid-kay-remulla/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=naglalaway-sa-boto-ng-cavite-mga-gustong-maging-pangulo-umaaligid-kay-remulla)