Iminungkahi ng OCTA Research na gawing insentibo sa mga bakunadong senior citizen ang limitadong paglabas ng bahay para mahikayat ang ibang matatanda na magpaturok na rin ng COVID-19 vaccine.

Sinabi ni Professor Ranjit Rye na maaaring payagang makalabas ang mga bakunadong senior citizen bilang insentibo sa pagpapabakuna at maglaan ng lugar para sa kanila sa mga restaurant.

Marami pa aniya ang mga senior citizen na hindi nagpabakuna at isang paraan ang pagpayag sa mga bakunadong matatanda na makalabas sa limitadong panahon para mahikayat ang iba na sumali sa vaccination program ng gobyerno kontra COVID-19.

“Sa seniors natin po, napakakonti pa lang ng bakunado. Pero kapag kumpleto na ang bakuna, ‘yun ang puwedeng incentive para sa mga senior na maaaring lumabas for a limited time in the day to go out to some places para ma-inspire ‘yung ibang seniors na mag-decide magpabakuna,” ani Professor Rye.

Sinabi ng professor na dapat luwagan nang konti ang paghihigpit sa mga senior citizen para sa aspetong pangkalusugan dahil hindi aniya biro ang nakakulong sa loob ng bahay sa mahigit isang taon.

“Hindi pa napapanahon lumabas yung mga seniors pero kailangan luwagan ng konti for wellness issue, health issue. Pero ang importante dapat bakunado na po,” dagdag ni Rye.

Pero ang paalala ni Rye, dapat dahan-dahan ang pagluluwag sa mga matatanda dahil hindi pupuwedeng lahat ng senior citizens ay sabay-sabay na lumabas.

The post OCTA: Bakunadong senior citizen payagan na lumabas first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/octa-bakunadong-senior-citizen-payagan-na-lumabas/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=octa-bakunadong-senior-citizen-payagan-na-lumabas)