Determinado ang bagong upong Philippine National Police (PNP) chief na si Lt. Gen. Guillermo Eleazar na malinis ang korapsyon, at palakasan o padrino system sa kanilang hanay.

Ayon kay Eleazar, sisiguruhin niyang matitino ang makakapasok na pulis ngayong taon.

“Sa internal cleansing, magsisimula ito sa recruitment ng 17,000 na pulis for this year. Gusto natin tanggalin ang corruption, padrino system at palakasan,” saad ni Eleazar sa DZBB.

“Kaya tayo nagkakaroon ng problema, hindi qualified. Pumapatay nang walang pakundangan, may isa pa nagmomolestiya ng kamag-anak,” aniya pa.

Paliwanag ni Eleazar, kung maayos ang recruitment ng PNP ay hindi sana nakalulusot ang ilang pulis na nakagagawa ng labag sa batas.

Bukod pa rito, pinangako din ni Eleazar na sisibakin agad ang mga pasaway na pulis kahit iniimbestigahan pa ang mga ito.

“Tanggalin sa pwesto habang iniimbestigahan, para due process. Napakaraming gustong pumalit sa kanila at hindi tayo manghihinayang na tanggalin ang mga yan,” ayon pa sa bagong PNP chief.

The post Padrino system lulusawin! 17K bagong recruit palit sa mga korap na pulis – Eleazar first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/padrino-system-lulusawin-17k-bagong-recruit-palit-sa-mga-korap-na-pulis-eleazar/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=padrino-system-lulusawin-17k-bagong-recruit-palit-sa-mga-korap-na-pulis-eleazar)