Tinalakay ng mga miyembro ng House Committee on Basic Education and Culture ang panukala na rebisahin ang lyrics at bilis ng pagkakakanta sa Lupang Hinirang at ang linya ng Panatang Makabayan.

Sa pagdinig ng komite noong Huwebes, sinabi ng national artist na si Virgilio Almario na marami itong naririnig na komento sa pagkakakanta ng national anthem.

“Noon pa natatandaan ko si national artist Levi Celerio marami siyang reklamo dun sa mga phrasing ng ating anthem. Yung lyrics hindi tumatama sa melody kaya nagsa-suggest siya noon pa na lagyan ng konting revisions,” sabi ni Almario.

Isa sa tinukoy ni Almario na pagpalitin ng puwesto ang ‘bundok at dagat’.

“Halimbawa yung sa dagat at bundok, mali ang phrasing, humihinto ka sa ‘at’. Pagpalitin mo at mawawala yung maling phrasing, ‘sa bundok at dagat,” sabi pa nito.

Nais din ni Almario na dagdagan ang mga katangian na nakapaloob sa Panatang Makabayan bukod sa pagiging masunurin. Maaari umanong ipasok ang pagiging matulungin, malikhain at marangal. “Lahat ng sakit ng bayan natin makikita natin ang problema dahil dun sa hindi naiintindihan yung tatlong words na yun…”

Nais naman ni Deputy Speaker at Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez na amyendahan ang batas na nagtatakda kung papaano kakantahin ang Lupang Hinirang.

Aniya sa Estados Unidos ay nag-iiba-iba ang tono ng kanilang national anthem dahil wala itong batas na nagmamando kung papaano ito kakantahin kaya nailalabas ng umaawit ang kanyang expression sa pagiging makabayan.

Sa Republic Act 8194 nakasaad na ang Lupang Hinirang ay dapat na inaawit gaya ng pagkakakanta noong 1898.

Para naman kay Lanao del Norte Rep. Abdullah Dimaporo ang Lupang Hinirang ay hindi na dapat palitan pa lalo at mayroong kasaysayan na nakapaloob dito.

Hindi rin pabor si Deputy Speaker at SAGIP Rep. Rodante Marcoleta na palitan pa ang lyrics ng pambansang awit. “Basta po kinanta natin with respect…. Pag nasa session hall kinakanta natin ang Bayang Magiliw lahat po tayo nakakakanta naman nakaksunod po lahat eh. Wala naman pong nagsabi na ‘palitan na po natin napakahirap pong kantahin yan’. Wala naman.”

Para naman kay Marikina Rep. Stella Luz Quimbo maaaring bumuo ng panuntunan sa mga nais na kantahin ang Lupang Hinirang ng iba sa pagkakakanta batay sa komposisyon ni Julian Felipe.

“Kung maging maliwanag lang po ang objective ng allowing some deviation from the official rendition and putting in the parameters wala po akong problema allowing that po,” sabi ni Quimbo.

Sa pagdinig ay kumanta naman ang opisyal ng Department of Education (DepEd) Bureau of Curriculum na si Christine Graza Magboo ng bersyon ng Lupang Hinirang sa 2/4 at 4/4 time signature.

Ang 2/4 time signature ang ginamit ni Julian Felipe sa kanyang komposisyon.

Matapos ang ilang oras na pagtalakay, sinabi ng chairman ng komite at Pasig City Rep. Roman Romulo na nagkasundo ang bawat isa na panatilihin ang orihinal na 2/4 time signature sa pagkanta ng Lupang Hinirang.

“So we got the agreement of everyone… we just retain the original wording and Section 37 of the current law (RA 8491) and that we all understand that it means 2/4,” sabi ni Romulo.

Maglalabas ang komite ng pinal na bersyon ng panukala na mag-aamyenda sa Flag and Heraldic Code of the Philippines law (RA 8491).

The post Pagbago sa Lupang Hinirang, Panatang Makabayan inusisa sa Kamara first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/pagbago-sa-lupang-hinirang-panatang-makabayan-inusisa-sa-kamara/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=pagbago-sa-lupang-hinirang-panatang-makabayan-inusisa-sa-kamara)