Tinawag ng Malacañang na fake news ang ulat na hindi umano papayagang makapasok sa Saudi Arabia at European Union ang mga bakunado ng Chinese vaccine gaya ng Sinovac at Sinopharm.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na walang katotohanan ang balita dahil mismong ang World Health Organization (WHO) ang naglagay sa listahan ng emergency use list ang Chinese brand ng mga bakuna laban sa COVID-19.

Sinabi ni Roque na walang batayan ang kumakalat sa social media na posibleng kagagawan na naman ng mga taong walang magawa at ang hangad lamang ay magbigay ng kalituhan at intriga sa mga brand ng COVID vaccine.

“Wala pong basehan ang mga ganyang balita kasi kakasabi lang ni Dr. Rabi na kasama ang Chinese brands sa listahan ng WHO sa kanilang emergency use list. Hindi ko po maisip kung bakit hindi tatanggapin ng EU at iba pang mga bansa ang kahit anong bakuna na nasa listahan ng WHO mismo,” ani Roque.

Kabilang lamang umano sa mga pinapayagan sa Saudi Arabia at EU ay yaong mga bakunado ng produkto ng Pfizer, Moderna, AstraZeneca o Johnson & Johnson.

Matatandaang ang Sinovac vaccine mula sa China ang unang dumating na bakuna sa bansa at unang ginamit sa rollout ng vaccination program ng pamahalaan sa mamamayan.

The post Palasyo: Chinese vaccine ban sa Europa, Saudi, fake news! first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/palasyo-chinese-vaccine-ban-sa-europa-saudi-fake-news/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=palasyo-chinese-vaccine-ban-sa-europa-saudi-fake-news)