Maglalaan ng Pfizer vaccine ang gobyerno para sa mga kabataang edad 12-15.

Ito ang inihayag ni Presidential Spokesman Harry Roque matapos i-report ni Food and Drug Administration (FDA) director general Eric Domingo na maaari nang bakunahan ng Pfizer vaccine ang mga kabataang edad 15 hanggang 15.

“Yan lang naman ang bakuna na pupuwede sa teenagers, asahan natin na bibili tayo ng mas maraming Pfizer para sa teenager,” ani Roque.

Hindi aniya maaaring gamitin ang Pfizer vaccine na galing sa COVAX facility dahil nakalaan ito sa mga mahihirap na mamamayan.

“Gagamitin natin ang Pfizer pag dumating na yung ating biniling Pfizer. Kasi yung Pfizer na dumarating sa ngayon galing yan sa COVAX facility, kinakailangan ilaan natin yan para sa indigents,” dagdag ni Roque.

Sa ngayon aniya ay limitado pa ang Pfizer supply dahil hindi pa pinapayagan ng Amerika na magpalabas ng supply hanggang hindi naaabot ang target na mabakunahan ang lahat ng kanilang mamamayan.

Sinabi ni Roque na sa sandaling dumating ang supply ng Pfizer vaccine ay kinokonsiderang mabigyan ng slot ang mga kabataan para mabakunahan dahil hindi kasama ang mga ito sa sektor na nasa priority list ng gobyerno.

“Inasahan natin ‘pag dumating yung ating biniling Pfizer ay pupuwedeng ikunsidera rin ang ating mga kabataan, mag-aalocate tayo para sa mga kabataan,” wika ni Roque.

The post Palasyo: Mga kabataan tatabihan ng Pfizer vaccine first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/palasyo-mga-kabataan-tatabihan-ng-pfizer-vaccine/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=palasyo-mga-kabataan-tatabihan-ng-pfizer-vaccine)