Minaliit ng Malacañang ang survey firm kung saan nanguna si Vice President Leni Robredo sa presidential survey para sa 2022 elections.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na hindi niya kilala at ngayon lamang niya narinig ang Pilipinas2022.PH na siyang naglabas ng survey result.

“Naku mukhang wishful thinking po yan. Hindi ko pa naririnig kung ano yang polling company na yan. Hindi ko po alam kung anong proseso ang ginawa nitong kompanyang ito at sa totoo lang hindi ko naririnig pa yang kompanyang yan,” ani Roque.

Batay sa survey ng Pilipinas2022.ph na ginawa April 1-April 30,2021, nanguna sa resulta si VP leni na nakakuha ng 36.1%; pangalawa si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na nakakuha ng 18.3% ; at senador Manny Pacquiao 13.7%.

Sinabi ni Roque na mas pinagkakatiwalaan niya ang mga polling company na malinaw ang ginawang proseso sa kanilang survey gaya ng cross-sampling method.

Hindi aniya malinaw kung paanong survey ang ginawa ng Pilipinas2022.ph kaya mas maniniwala siya sa mga kilalang survey firm.

“Ako po, naniniwala ako sa cross-sampling method na survey dahil ako po ay nagtrabaho sa pamantasan kung saan binuo yang cross-sampling method. Pero ang pinaniniwalaan ko ay yung mga pinagkakatiwalaang polling companies na malinaw kung paano ang procedure nila bagamat 1,200 lang ang kanilang sample,” dagdag ni Roque.

Kabilang sa mga pangalang lumabas sa survey ay sina dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos, Senador Bong Go, Mayor Isko Moreno at Senadora Grace Poe.

The post Palasyo minaliit survey na patok si VP Leni first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/palasyo-minaliit-survey-na-patok-si-vp-leni/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=palasyo-minaliit-survey-na-patok-si-vp-leni)