May basbas ni Pangulong Rodrigo Duterte ang aksiyon ng Department of Health (DOH) na hindi iaanunsiyo ang brand ng bakuna sa mga vaccination center.

Ito ang sagot ng MalacaƱang sa pag-alma ng ilang sektor sa bagong polisiya ng DOH at mga local government unit na nalalabag umano ang karapatan nilang makapamili ng bakunang ituturok sa kanila.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na nakita ng Presidente na hindi nasunod ang basic health protocol sa ilang lugar matapos ianunsiyo ang paggamit ng bakuna mula sa Pfizer kaya minabuting huwag ianunsiyo ang brand ng gagamiting COVID-19 vaccine.

“Si Presidente po ang nag-utos niyan dahil nakita niya yung kawalan ng social distancing doon sa ilang lugar kung saan inannounce ang pagbabakuna ng Pfizer,” ani Roque.

Mismong si Pangulong Duterte aniya ang nagsabi na huwag pumili ng bakuna dahil lahat ng mga ginagamit ngayon ng gobyerno ay dumaan sa masusing pag-aaral at ligtas para sa mga Pilipino.

“Lahat naman ng bakuna ay pantay-pantay, dumaan sa masusing pag-aaral, lahat po yan ligtas at epektibo. Kaya nga po ang pinakamabuting bakuna yung ilalagay sa inyong mga braso,” dagdag ni Roque.

Lumabas sa survey na 30 percent lamang ang nagpabakuna matapos ilarga ang vaccine rollout dahil dahil hinihintay ng publiko ang bakunang gawa sa Amerika.

The post Palasyo: Pagsikreto ng bakuna brand utos ni Duterte first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/palasyo-pagsikreto-ng-bakuna-brand-utos-ni-duterte/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=palasyo-pagsikreto-ng-bakuna-brand-utos-ni-duterte)