Ang pag-secure sa West Philippine Sea (WPS) ay hindi nakakatawang usapin para sa mga Pilipinong mangingisda na umaasa dito para sa kanilang kabuhayan at pagkain ng kanilang mga pamilya, ayon kay Senador Francis Pangilinan.

“Seryosong usapin ito. Nakasalalay rito ang kita ng ating mga kababayang mangingisda. Dito nakasalalay kung magugutom ba ang kanilang mga pamilya o hindi — ang unang-una dapat na prayoridad ng ating gobyerno,” pahayag ng dating food security secretary.

“How are we able to secure the livelihood of our fishermen if we don’t secure the West Philippine Sea? How are we able to secure our food if we are cut from our very own resource-rich waters? Very basic na ito. Kawalan ng trabaho at gutom ang katapat kung papabayaan pa lalo ang West Philippine Sea,” dagdag nito.

Nauna rito, ibinunyag ng National Task Force on WPS na may 287 Chinese vessel na tinututukan sa karagatang pag-aari ng Pilipinas.

“Marapat na ipaglalaban ang ating karapatan sa West Philippine Sea. Hanggang ngayon, lampas 200 ang mga sasakyang pandagat ng China ang nasa ating teritoryo at tinatakot ang ating mga mangingisda,” ani Pan gilinan.

“Ibig sabihin, mas marami pa ngayon yung Chinese ship na humihigop ng mga huli na dapat napupunta sa mga mangingisda natin,” dagdag nito.

Nagbabala rin si Pangilinan na maaaring magkaroon na kakulangan sa suplay ng isda kung mananatili ang presensiya ng mga Chinese vessel sa pinag-aagawang teritoryo.

Noong nagdaang buwan, sinabi ng National Task Force for the West Philippine Sea na mahigit 240,000 kilo ng isda ang nakukuha ng mga Chinese vessel sa teritoryong pag-aari ng bansa sa WPS.

The post Pangilinan: Isyu ng WPS dapat seryosohin first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/pangilinan-isyu-ng-wps-dapat-seryosohin/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=pangilinan-isyu-ng-wps-dapat-seryosohin)