Pinalalayas ng Commission on Audit (COA) ang isang board director ng Clark International Airport Corporation (CIAC) na tumira sa isang mamahaling villa na nasa loob mismo Clark Freeport Zone.

Ayon sa annual audit report ng COA, kasama umano ng CIAC official sa naturang villa ang kanyang pamilya.

Ang Villa 1525 sa Clark Freeport Zone ay unang naka-assign para sa vice president for Airport Operations and Management Group, ngunit pinayagan umano ng opisyal na tumira sa isang kuwarto ang board director, na hindi pinangalanan.

Nang mag-resign na ang Clark executive ay nagpatuloy pa umano sa pagtira ang board director sa naturang villa, at dinala pa ang kanyang pamilya para doon sila manirahan.

“It is worth mentioning that all utilities consumed for the entire duration of his stay at the villa were borne by CIAC. During the audit, the audit team was unable to obtain the authority, issued, if any, for the free use of the aforementioned property,” ayon sa COA report.

Giit ng COA, ‘irregular at unethical’ ang ginawang pagtira ng Clark official sa bahay na pagmamay-ari ng gobyerno, alinsunod sa Republic Act 6713 o ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees at Presidential Decree No. 1445.

“Housing privilege was accorded to one Board of Director (BOD) starting September 2019, without specific authority under the law or charter and required approval of the Office of the President,” saad sa report ng COA.

Naglabas na ng notice ang CIAC para umalis ang board director sa tinitirhan nito sa Clark Freeport Zone, ngunit umapela umano ito na manatili muna sa nasabing bahay hanggang hindi pa natatapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa audit nakita na buhat noong December 31, 2020, napag-alaman na gumastos ang CIAC ng P10,242 para sa tubig, at P56,907.89 sa kuryente na ginamit ng board director at kanyang pamilya sa villa.

Dahil dito’y inirekomenda ng COA na i-refund ng board director ang mga utility expense na kanilang nagamit habang nakatira sa naturang housing unit.

The post Pati kuryente, tubig libre! Clark airport official, pamilya pasarap sa villa ng gobyerno first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/pati-kuryente-tubig-libre-clark-airport-official-pamilya-pasarap-sa-villa-ng-gobyerno/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=pati-kuryente-tubig-libre-clark-airport-official-pamilya-pasarap-sa-villa-ng-gobyerno)