Umapela si PDP-Laban Executive Director Ron Munsayac sa mga kapartido na huwag mamulitika ngayong maraming kababayan na nagugutom at may sakit dahil sa coronavirus pandemic.

Kasabay nito, sinabi ni Munsayac sa May 28 episode ng “The Chiefs” na hindi totoo na may magaganap na national assembly ang PDP-Laban sa Lunes, Mayo 31.

“Well sir sa mata po ng liderato ng partido, sa mata po ng karamihan ng aming mga kapartido, sa mata po ng constitution and bylaws ng partido natin, wala pong assembly, council meeting na mangyayari on Monday,” lahad ni Munsayac.

“Kung may magga-gather dun that’s really considered as an ordinary meeting ng partido. Anything na mapag-usapan doon is unofficial,” dagdag niya.

Pinabulaanan din niyang may malaking hidwaan sa mga top official ng partido dahil sa hiwalay na gustong iendorsong kandidato.

“This is a simple misunderstanding and sana nga po maayos to agad-agad. We’d like to appeal to some of our partymates, led by our beloved vice chairman na sana ‘wag muna mamulitika ngayon,” aniya.

Matatandaang sinabihan ni PDP-Laban president at Senador Manny Pacquiao ang mga kapartido na huwag pansinin ang panawagan ni party vice chairman Alfonso Cusi para sa isang national assembly sa Mayo 31.

Ani Munsayac, ang puwede lang magpatawag ng PDP-Laban national council, assembly o meeting ay ang party chairman na si Pangulong Rodrigo Duterte at party president na si Pacquiao. 

The post PDP-Laban itinangging may national assembly sa May 31 first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/pdp-laban-itinangging-may-national-assembly-sa-may-31/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=pdp-laban-itinangging-may-national-assembly-sa-may-31)