Inanunsyo ng Philippine General Hospital (PGH) na pansamantalang tigil muna ang admission ng pasyente sa kanilang ospital kasunod ng nangyaring sunog sa ospital nitong Linggo.

Ibig sabihin ay hindi muna tatanggap ng pasyente ang PGH, na isa sa mga pangunahing ospital para sa mga COVID-19 patient.

Bukod pa dito’y tigil din ang operasyon ng kanilang emergency room.

Naapula na ang sunog sa PGH bandang alas-5:41 ng madaling-araw, ngunit naging problema sa ospital ang makapal na usok na umabot sa ikapitong palapag.

Dahil dito’y nilikas ang ilang pasyente sa iba’t ibang parte ng ospital, habang ang iba’y inilipat na muna sa ibang health facility.

“‘Yung iba, nasa chapel, sa driveway, sa quadrangle, sa corridor. ‘Yung mga sanggol, bagong panganak, kailangan nasa nursery, inilipat namin yung 12 na babies sa Sta. Ana Hospital,” ayon kay PGH spokesperson Dr. Jonas del Rosario sa panayam ng DZBB.

Siniguro rin ni Del Rosario na hindi nahalo ang mga COVID-19 patient sa mga non-COVID patient.

The post PGH hindi muna tatanggap ng pasyente first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/pgh-hindi-muna-tatanggap-ng-pasyente/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=pgh-hindi-muna-tatanggap-ng-pasyente)