Naghain ng panukala ang isang solon upang maglaan ang gobyerno ng P5 bilyon sa pagtatayo ng naval outpost na naglalayong proteksyunan ang teritoryo ng bansa laban sa pangangamkam ng mga dayuhan.

Sinabi ni Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel, chairperson ng House Committee on Strategic Intelligence, na dapat mabantayan ang mga natural gas deposit at marine wealth ng Pilipinas na magiging halaga sa pagpapaunlad ng bansa at mapakinabangan ng mga darating na henerasyon.

Sa kanyang panukalang Philippine Navy Forward Operating Bases (FOB) Act (House Bill 9420), magtatayo ng FOB sa West Philippine Sea partikular sa Lubang Island sa Mindoro Occidental, Subic Bay sa Zambales, at Busuaga at Balabac sa Palawan.

Upang mabantayan ang Philippine Rise (dating Benham Rise) magtatayo ng FOB sa Polillo Island sa Quezon, Divilacan sa Isabela at Casiguran sa Aurora.

Lima pang FOB ang itatayo sa Mavulis Island sa Batanes, Allen sa Northern Samar, Surigao City, Sarangani sa Davao Occidental at sa Mapun Island sa Tawi-Tawi.

Ang mga FOB ay outpost kung saan maaaring makapagbantay ang mga miyembro ng Philippine Navy. Maaari ring i-upgrade ito upang mas lumakas ang kapabilidad na maipagtanggol ang bansa.

“We expect the outposts to serve as the future staging and resupply sites for the Navy’s new generation of warships and battle craft,” sabi ni Pimentel.

The post Pimentel: Naval outpost itayo para mabantayan natural gas deposit, marine wealth first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/pimentel-naval-outpost-itayo-para-mabantayan-natural-gas-deposit-marine-wealth/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=pimentel-naval-outpost-itayo-para-mabantayan-natural-gas-deposit-marine-wealth)