Nagbunga na ang imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP) ukol sa bentahan ng COVID-19 vaccine slot sa Metro Manila.

Ayon kay PNP spokesperson Police Brig. Gen. Ronaldo Olay, tukoy na ang ilang tao na sangkot sa umano’y bentahan.

“May mga impormasyon na tayo at may mga tao na o personalities na na-identify through sa ating backtracking sa mga bagay na ‘yan,” lahad ni Olay sa panayam ng ‘Unang Hirit’.

Ito’y kasunod ng imbestigasyon na isinagawa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).

Hindi na pinangalanan ni Olay ang mga indibiduwal na dawit sa bentahan ng COVID-19 vaccine slot para hindi mapangunahan ang gagawing aksyon ng pulisya.

Matatandaan na kumalat sa social media ang ilang conversation kung saan binebenta ng P12,000 hanggang P15,000 ang slot para sa pagbabakuna.

Nakiusap naman si Olay sa publiko na huwag maniwala sa naturang bentahan ng slot.

The post PNP may suspek na sa bentahan ng COVID bakuna slot first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/pnp-may-suspek-na-sa-bentahan-ng-covid-bakuna-slot/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=pnp-may-suspek-na-sa-bentahan-ng-covid-bakuna-slot)