Pinaplantsa na ang posibleng pagdaraos ng ensayo ng mga PBA team sa Batangas City, ito’y matapos ang pakikipagpulong ni commissioner Willie Marcial sa mga opisyal ng lungsod nitong Sabado.

Ayon kay Marcial, nakausap na niya at ni San Miguel Corporation sports director Alfrancis Chua sina city mayor Beverly Dimacuha at Batangas fifth district representative Marvey Marino kung saan pumayag na umano ang dalawang opisyal na doon ganapin ang ensayo ng mga koponan.

Dagdag ni Marcial, ang nasabing pagbubukas ng ensayo ng mga PBA team ay sinang-ayunan na rin ni Games and Amusements Board chairman Baham Mitra.

“Ok naman sila na mag-practice doon at baka pumunta ako dun sa Friday kasama ng team ko para mapagusapan mga protocols, disinfection at papaano ang pag-cordon off ng mga tao,” ani Marcial.

“Hindi ko pa lang ma-ano dahil may mga bigas pa yung mga gym so tatanggalin nila so hopefully by next week maayos na,” dagdag ni Marcial. “Kausap ko din si Chairman Mitra at all-out support naman siya pero depende pa nga kung ano ang level sa Batangas.”

Isa sa mga tinitingnan na posibleng pagdausan ng ensayo ay ang Batangas City Sports Center.

The post Praktis ng mga PBA team, posibleng idaos sa Batangas first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/praktis-ng-mga-pba-team-posibleng-idaos-sa-batangas/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=praktis-ng-mga-pba-team-posibleng-idaos-sa-batangas)