Naghain ng panukala ang siyam na kongresista upang gawing krimen ang red-tagging.

Sa ilalim ng House Bill 9437, ang red-tagging ay ang pag-akusa o pag-ugnay sa isang indibidwal o grupo sa armadong organisasyon na lumalaban sa gobyerno, na maaaring maglagay sa panganib sa kanyang buhay o ng mga miyembro nito.

“Red-tagging has become a very dangerous action or conduct by public officials and their agents. It brings about a chilling effect and poses a great danger to the people’s Constitutional right to freedom of expression and the right to political belief without fear of prosecution,” saad ng explanatory note ng panukala.

Ang red-tagging ay maaaring magawa sa pamamagitan ng isang pahayag, social media post, anunsyo, deklarasyon, signage, streamer, plakard, forum at iba pang pamamaraan upang maisapubliko ang mensahe.

Ang mga lalabag ay pagmumultahin at makukulong at ang bigat ng parusa ay depende sa kung ano ang nangyari sa indibidwal na na-red-tagged.

Kung ang nagkasala ay opisyal o empleyado ng gobyerno o kanilang mga ahente, madidiskuwalipika na ito na humawak ng anumang posisyon sa gobyerno.

Ang panukala ay akda nina House Deputy Minority Leader Carlos Isagani Zarate, Albay Rep. Edcel Lagman, Quezon City Rep. Christopher Belmonte, La Union Rep. Pablo Ortega, Bayan Muna Representatives Eufemia Cullamat at Ferdinand Gaite, Gabriela Rep. Arlene Brosas, ACT Teachers Rep. France Castro at Kabataan Rep. Sarah Jane Elago.

The post Red-tagging bilang krimen, nilalakad sa Kamara first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/red-tagging-bilang-krimen-nilalakad-sa-kamara/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=red-tagging-bilang-krimen-nilalakad-sa-kamara)