Nanawagan ang isang lady solon sa Department of Health (DOH) at Food and Drug Administration (FDA) na bawasan ang mahabang proseso para makagawa ng gamot ang mga pharmaceutical company sa bansa.

Ayon kay Deputy Speaker Bernadette Herrera, higit na mahalaga ngayon ang papel ng mga lokal na pharmaceutical company sa paglaban sa COVID-19.

Sa huling pagdinig sa Kamara de Representantes, sinabi ng kinatawan ng Philippine Chamber of Pharmaceutical Industry Inc. (PCPI) at Philippine Pharmaceutical Manufacturers Association (PPMA) na umaabot sa 1,025 aplikasyon para sa certificate of product registration, 50 aplikasyon para sa license to operate, at 381 aplikasyon para sa automatic renewal ang nakabinbin sa FDA mula noong 2015.

“So, talagang for someone in government and one of the authors of ARTA (Anti-Red Tape Act), and you hear this, talagang iinit ang ulo mo. And we really question, why?” sabi ni Herrera.

Nananawagan din si Herrera na ibalik ng DOH at FDA ang paggamit ng national guidelines sa pagrerehistro ng pharmaceutical product at suspendihin muna ang paggamit ng ASEAN guidelines na mas mahaba at matagal.

“Using the national guidelines is something that would free up the process in the FDA without sacrificing the efficacy and quality of the medicines that the pharmaceutical industry will produce,” dagdag pa ni Herrera.

Itinutulak din ni Herrera at Speaker Lord Allan Jay Velasco ang pagbibigay ng pautang sa local pharmaceutical industry access sa ilalim ng panukalang Bayanihan 3 law.

Ang kakailanganing pondo ay maaari umanong kunin sa nalalabing pondo ng Bayanihan 2 law.

“It is already the survival of our country and we need to tap our own resources, and this is the direction we would like to take,” wika pa ng lady solon. “We need to survive as a country and we cannot survive without our local pharma industry, and nakikita po namin ang inyong importansya.”

The post Red tape pabigat sa paggawa ng lokal na gamot – solon first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/red-tape-pabigat-sa-paggawa-ng-lokal-na-gamot-solon/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=red-tape-pabigat-sa-paggawa-ng-lokal-na-gamot-solon)