Nagmistulang delubyo umano ang Rice Tarrification Law para sa limang milyong magsasaka sa bansa dahil kulang na kulang naman ang pondong inilaan upang sila ay maproteksiyunan sa pamamagitan ng Rice Competitiveness Enhancement Fund o RCEF Fund, ayon kay Sen. Manny Pacquiao.

Sabi ni Pacquiao, sa halip na matulungan ng naturang batas ang mga rice farmer, lalo pa itong nabaon sa kahirapan dahil hindi sapat ang ayudan ibinigay sa kanila ng gobyerno sa pamamagitan ng RCEF.

Bukod diyan, hindi rin sapat umano na tanging sa mga makinarya at mga farm input lamang inilalaan ang RCEF dahil mas mahalaga para sa mga magsasaka na maibenta sa tamang presyo ang kanilang inaaning palay.

Dahil sa dami ng reklamong natatanggap ni Pacquiao mula sa mga magsasaka dahil sa pahirap na dulot ng naturang batas, naghain ito ng Senate Resolution 554 na humihiling sa Senate Committee on Agriculture na imbestigahan ang implementasyon ng RTL, lalong-lalo na ang paggamit sa P10-billion rice RCEF.

Nais din Pacquiao na malaman may naidulot ba itong kabutihan ang Republic Act 11203 o Rice Tariffication Law para sa mga magsasaka.

Nagsagawa rin ang senador ng sariling ‘Zoom consultation’ para sa mga farmer organization at iba pang mga grupong may kinalaman sa pagsasaka upang personal na mapakinggan ang kanilang sitwasyon sa ilalim ng RTL.

Ito ay upang malaman kung dapat nga bang isulong ang tuluyang pagbasura ng RTL o mas makakabuting susugan na lamang ito upang maproteksyonan ang interes ng sektor pang-agrikultura.

“Nakakalungkot lang na malaman na itong mga taong nagpapakain sa atin ay mga walang makain,” sabi ni Pacquiao.

Binigyang-diin pa ni Pacquiao na dahil sa naturang batas, halos hindi na maibenta ng mga magsasaka ang kanilang mga ani dahil sa pagdagsa ng mga murang imported rice sa merkado samantalang limitado naman ang binibili ng National Food Authority (NFA) sa mga magsasaka.

Gayunpaman, sinabi ni Pacquiao na may mga benepisyo rin namang naidulot ang RTL sa ilang mga lugar na gaya ng Isabela na aktibo ang mga lokal na pamahalaan sa pagbibigay ng ng suporta sa kanilang mga magsasaka.

Sabi pa nito, mas makakabuting amyendahan sa halip na ibasura ang RTL nang sa gayon madagdagan ang pondo para sa RCEF at matiyak na may sapat na salapi ang NFA upang mabili ang ani ng mga lokal na magsasaka sa presyo hindi bababa sa P20 bawat kilo ng palay.

The post Rice tarrification law delubyo sa mga magsasaka – Pacquiao first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/rice-tarrification-law-delubyo-sa-mga-magsasaka-pacquiao/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=rice-tarrification-law-delubyo-sa-mga-magsasaka-pacquiao)