Tinanggap na ni Presidential Spokesman Harry Roque ang magiging kapalaran noong nakikipaglaban ito sa COVID-19.

Ibinahagi ni Roque ang naging karanasan nito bilang COVID-19 survivor  sa ikalawang pagkakataon kung saan sa ikatlong araw aniya ay parang nalulunod ang kanyang baga, at pakiramdam ay mayroon itong bronchitis dahil sa hirap na paghinga.

“Talagang mararamdaman mo na parang mayroon kang bronchitis na parang malulunod ang lungs mo. Sa katunayan iyong pangatlong araw ang pinaka-worse, iyon ang akala ko tapos na, nagpaalam na ako, tinanggap ko na. Sabi ko Panginoon sige kunin mo na ako,” ani Roque.

Umayos lamang aniya ang kanyang pakiramdam nang turukan ito ng Remdesivir at kinabukasan ay parang hindi ito nagkasakit.

Gayonman, sinabi ni Roque na mayroong side effect ang gamot sa kanyang puso kaya ito ang binantayan ng kanyang mga doktor.

“Mula noong ginamitan ako ng Remdesivir, ang binantayan nila iyong puso ko dahil ang dami po talagang gumaling dahil sa Remdesivir, namatay naman sa heart attack,” dagdag ni Roque.

Bagamat nakaligtas ito sa COVID-19, sinabi ng kalihim na hindi pa siya pupuwedeng magpabakuna dahil mayroon na itong natural na antibodies at posibleng sa buwan ng Hulyo pa ito maaaring makapagpabakuna.

“Mga three months mawawala itong aking antibodies so mga July tayo magpabakuna dahil masasayang lang po kung ngayon dahil ang dami nating antibodies,” wika ni Roque. 

The post Roque inakalang matutuluyan na sa COVID first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/roque-inakalang-matutuluyan-na-sa-covid/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=roque-inakalang-matutuluyan-na-sa-covid)