Nais ni Presidential Spokesman Harry Roque na mas bigatan ang parusa laban sa mga lumalabag sa community quarantine.

Sa harap ito ng marami pa ring pasaway at hindi sumusunod sa quarantine protocol na nagiging sanhi ng superspreader ng COVID-19.

Sinabi ni Roque na bagamat maaring kasuhan ng reckless imprudence ang mga quarantine violator, wala namang kulong ito at kadalasan ay nauuwi lamang sa settlement ang kaso.

Dapat aniyang may mas mabigat na batas na magbibigay ng mabigat na parusa para matuto ng leksiyon ang mga pasaway at matitigas ang ulo.

“I think there should be a higher penalty to be imposed on individuals who will be responsible for superspreader events. Kapag ang kaso ay reckless imprudence, there is hardly any imprisonment and which is subject to, in fact, settlement,” ani Roque.

Dapat aniyang magkusa ang Kongreso at magpasa ng national quarantine law gaya ng ibang mga bansa na magpapataw ng mas mabigat na parusa sa mga lalabag sa quarantine protocols.

Bagamat mayroong mga umiiral na batas at ordinansa laban sa mga lumalabag sa polisiya ngayong panahon ng pandemic, mas mainam pa rin kung makita ng publiko ang mabigat na parusa para makapag-isip isip muna bago gawin ang pagiging pasaway.

“So I would prefer to see that Congress specifically enact a national quarantine law similar to what other countries have that would spell stiffer penalties for those in breach of quarantine protocols,” dagdag ni Roque.

The post Roque: Parusa sa mga lalabag sa quarantine bigatan first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/roque-parusa-sa-mga-lalabag-sa-quarantine-bigatan/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=roque-parusa-sa-mga-lalabag-sa-quarantine-bigatan)