Ang hindi pagsunod sa basic health protocols ang isa sa dahilan kung bakit tumataas ang COVID-19 case sa ibang rehiyon.

Sinabi ni OCTA Research Professor Ranjit Rye na batid na ng mga tao na mayroong community transmission sa mga COVID variant na nakapasok sa bansa subalit tila hindi seryoso ang publiko sa pagsunod sa community protocols.

“Ang pinakamalaking rason diyan yung hindi pagsunod sa minimum public health standards. Mga tao mismo. Mayroon nang community transmission in many places in the country. Like Zamboanga, meron na talaga doon dati pa, napabayaan, nagkumpiyansa yung local government at mga tao kaya kumalat,” ani Rye.

Tila hindi naiintindihan ng publiko kung gaano kabagsik ang COVID variants kaya tiyak na mapupuno ang health care capacity sa mga lalawigan.

“Yan ang sitwasyon eh, mabilis kumalat, mas contagious yung variants ngayon kaya mapupuno talaga yung hospital natin,” dagdag ni Rye.

Bagama’t mayroon na aniyang bakuna, hindi pa sapat ang supply para mabakunahan ang mayorya ng populasyon sa bansa.

Sinabi ni Rye na kailangang patuloy na paigtingin ang pag-iingat ng publiko laban sa COVID-19.

The post Sirit virus sa ibang rehiyon dahil sa hindi pagsunod sa protocols – OCTA first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/sirit-virus-sa-ibang-rehiyon-dahil-sa-hindi-pagsunod-sa-protocols-octa/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=sirit-virus-sa-ibang-rehiyon-dahil-sa-hindi-pagsunod-sa-protocols-octa)