Naghain sina Senate President Vicente Sotto III at Senador Win Gatchalian ng isang panukalang batas na layong gawing bahagi ng mga subject ng Grades 7 hanggang 12 ang drug abuse prevention program.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 2236 o ang Drug Abuse Prevention Program in Basic Education Act na inihain nina Sotto at Gatchalian, ang drug abuse prevention program ay magiging bahagi ng subject na Health mula Grades 7 hanggang 10, Physical Education at Health sa Grade 11, at Personal Development para sa Grade 12.

Saklaw ng panukalang batas ang lahat ng pampubliko at pribadong paaralan sa ilalim ng basic education.

Tatalakayin sa panukalang programa ang mga susunod na usapin: ang negatibong epekto ng paggamit at pag-abuso sa iligal na droga; pag-iwas sa iligal na droga; mga aspetong pangkalusugan, sikolohikal, ligal, at pang-ekonomiya na pang-aabuso sa droga; paggamot at rehabilitasyon; at mga maling paniniwala sa paggamit ng iligal na droga.

“Dahil sa mga pinsalang dulot ng pandemya tulad ng kawalan ng trabaho, mas marami sa ating mga kababayan at mga kabataan ang nanganganib na masangkot sa iligal na droga. Kaya nais natin bigyan ang mga kabataan ng sapat na edukasyon upang hindi masira ang kanilang mga buhay,” sabi ni Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.

Sa World Drug Report ng United Nations Office on Drugs and Crime (UNODC) na inilabas noong 2020, ang mga marginalized groups, kabilang ang mga kabataan at kababaihan, ay mas nanganganib na masangkot sa paggamit at pagtulak ng droga upang kumita. Ito ay dahil sa kawalan ng trabaho na epekto ng COVID-19 pandemic.

Nakasaad pa sa report na ang kahirapan at kakulangan sa edukasyon ay itinuturing na maaaring maging dahilan sa mas mataas na panganib ng paggamit ng iligal na droga at mga komplikasyon nito.

Sa ilalim ng panukalang batas, makikipag-ugnayan ang Department of Education (DepEd) sa Department of Health (DOH), DDB, at iba’t ibang non-governmental organizations (NGO) upang paigtingin ang pagpapatupad ng drug abuse prevention program.

Magiging mandato rin ng mga ahensyang ito ang pagbibigay ng training courses sa mga guro para sa drug abuse prevention.

The post Sotto, Gatchalian: Anti-drug program ituro sa mga estudyante first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/sotto-gatchalian-anti-drug-program-ituro-sa-mga-estudyante/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=sotto-gatchalian-anti-drug-program-ituro-sa-mga-estudyante)