Sang-ayon si Senador Franklin Drilon na ibenta ang ilang ari-arian ng gobyerno bilang pagtugon sa COVID-19 response ng bansa.

Ayon kay Drilon, ang GOCC (Government-owned and controlled corporations) Governance Act ay nagbibigay kapangyarihan sa Pangulo na magbenta ng mga property ng gobyerno.

Isa sa tinitingnan ng mambabatas na puwedeng ibenta ay ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor).

Paliwanag ni Drilon, sugal ang Pagcor kaya dapat na hindi mamahala ang pamahalaan ng isang casino.

“Doon sa estimate ng Department of Finance, mga P300 billion ang pwedeng kitain sa pagbenta ng PAGCOR at itong PAGCOR naman ay sugal. Bakit ang pamahalaan ang nagpapatakbo,” saad ni Drilon sa TeleRadyo.

“Hindi po tama na ang pamahalaan ang nagpapatakbo ng casino at ito po ay isang ari-arian na pwede nating ibenta sa private sector at kikita, ang estimate ng Department of Finance, aabot sa mahigit P300 bilyon,” aniya pa.

Tinitingnan din ng senador ang pagbebenta ng lupa kung saan nakatirik ang National Bilibid Prison sa Muntinlupa.

“Matagal na dapat ilipat ang Bilibid Penitentiary doon sa Nueva Ecija. Hanggang ngayon hindi magalaw. Siguro sa buong mundo, ang ating Bilibid ang pinakamahal na piitan dahil ang mahal ng lupain d’yan,” lahad ng mambabatas.

Aniya, imbes na umutang ay ibenta na lang ang lupa sa Bilibid lalo’t wala naman umanong kinikita ang gobyerno doon.

The post Sugal ‘di dapat hawak ng gobyerno! Drilon aprub ibenta ang Pagcor first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/sugal-di-dapat-hawak-ng-gobyerno-drilon-aprub-ibenta-ang-pagcor/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=sugal-di-dapat-hawak-ng-gobyerno-drilon-aprub-ibenta-ang-pagcor)