Lumantad na ang suspek sa pagbebenta ng COVID-19 vaccine slot nitong Miyerkoles ng umaga.

Prinesenta ni Mandaluyong Mayor Menchie Abalos at Metro Manila Development Authority (MMDA) chairman Benhur Abalos Jr. ang suspek na si Kyle Bonifacio.

Ayon kay Bonifacio, hindi umano siya nagbenta ng bakuna na kumalat sa social media.

“Gusto ko lang po sabihin na hindi talaga ako nagbenta, at iyong resibo po na yon ay kusang bigay po sa akin nung taong yon,” saad ni Bonifacio, na hindi na nagbigay ng karagdagang detalye sa bentahan ng slot para sa bakuna.

Pumalag din ang suspek at sinabing wala siyang koneksyon sa local government unit (LGU) para makapagsingit sa vaccination rollout.

“Wala po akong koneksyon sa LGU dahil isa lang po akong batang estudyante, at malabo akong magkaroon ng ganong koneksyon,” aniya pa.

Dineklarang ‘case solved’ na ni MMDA chairman Abalos ang naturang insidente, at na-turnover na ang suspek sa Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) para sa mga posibleng kaso kay Bonifacio.

The post Suspek sa ‘bakuna slot for sale’ sumuko na first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/suspek-sa-bakuna-slot-for-sale-sumuko-na/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=suspek-sa-bakuna-slot-for-sale-sumuko-na)