Abangan umano ang magiging pasabog ni dating Senate President Juan Ponce Enrile kaugnay sa isyu ng West Philippine Sea kung saan inaasahang lulutang din ang pangalan ni dating Senador Antonio Trillanes IV.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na tuloy ang pagharap ni Enrile sa Talk to the People ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayong Lunes ng gabi.

“Mamayang gabi ay magiging panauhin si dating Senate President Juan Ponce Enrile sa Talk to the People. Sabi nga ng Pangulo, former Senator Enrile was there right at the beginning,” ani Roque.

Hinikayat ng kalihim ang publiko na pakinggan ang sasabihin ni Enrile para malaman kung paano nawala ang isa sa mga teritoryo ng Pilipinas sa China.

“Kinakailangan pong ating pakinggan ang sasabihin ng Senador dahil magandang malaman ang papel ni dating Senador Antonio Trillanes at dating Secretary Albert del Rosario sa usapin ng pagkawala ng Scarborough Shoal sa Piliipinas,” dagdag ni Roque.

Sinabi ng kalihim na ang pagkawala ng Scarborough Shoal sa Pilipinas ang naging simula ng gusot sa West Philippine Sea.

“Ang pagkawala ng Scarborough Shoal kung inyong matatandaan ang naging hudyat ng kaguluhan sa West Philippine Sea na dati naman po ay tahimik,” dagdag ni Roque.

The post Trillanes, Del Rosario damay! Enrile may pasabog sa West PH Sea issue – Palasyo first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/trillanes-del-rosario-damay-enrile-may-pasabog-sa-west-ph-sea-issue-palasyo/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=trillanes-del-rosario-damay-enrile-may-pasabog-sa-west-ph-sea-issue-palasyo)