Ikinatuwa ni Speaker Lord Allan Jay Velasco na mas magiging maaga ang pagdaraos ng Nursing Licensure Examination (NLE) ngayong taon.

Ayon kay Velasco makatutulong ito upang matugunan ang kakapusan ng nurse sa bansa na lalong tumangkad dahil sa pandemya.

Sumulat kay Velasco si PRC Chairman Teofilo Pilando Jr. kamakailan at ipinabatid nito na ang kinanselang pagsusulit ngayong buwan ay itutuloy na sa Hulyo 3 at 4. Magsasagawa muli ng pagsusulit sa Nobyembre 21 at 22.

Sinabi ni Pilando na naiintindihan ng PRC ang kahalagahan ng NLE habang pinapangalagaan ang kaligtasan ng mga examinee.

Nauna rito, inanunsyo ng PRC ang pagkansela sa nursing board examination na ngayong Mayo 30 at 31. Isa na lamang ang isasagawang exam ngayong taon at ito ay sa Nobyembre.

Dahil dito ay nanawagan si Velasco na payagang makapagtrabaho ang mga nursing graduates na hindi pa nakakapasa sa board exam.

Sinabi ni Pilando na sa ilalim ng Commission on Higher Education Memorandum Order No. 14, series of 2009, ang mga nursing graduates ay maaaring bigyan ng trabaho ng mga nursing aide sa ospital.

Nagpasalamat naman si Velasco sa mabilis na pagtugon ng PRC at pagkilala nito ng pangangailangan na matugunan ang kakapusan ng mga nurse.

The post Velasco nagalak sa pag-arangkada ng nursing licensure exam first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/velasco-nagalak-sa-pag-arangkada-ng-nursing-licensure-exam/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=velasco-nagalak-sa-pag-arangkada-ng-nursing-licensure-exam)