Hindi dapat malagay sa kompromiso ang pakikipaglaban ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS) pati na rin ang iba pang mahahalagang usapin dahil lamang sa lumalalang bangayan ng dalawang magkalabang paksiyon sa politika sa bansa, ayon kay Senador Panfilo Lacson.

Sabi ni Lacson, chairman ng Senate national defense committee, higit na nakakarami pa rin ang mga may lehitimong layunin para sa ikaaayos ng bansa kaya hindi dapat matabunan ang hangaring ito ng dalawang grupo na gamit ang troll farm.

“We are a deeply divided nation. DDS and Yellows bicker about anything. Worse, they assume that everybody else is their proxy. Right or wrong, either you’re with them or against them. Absolutely false! There are many of us who speak our own minds, not theirs,” pahayag ni Lacson sa kanyang Twitter account.

Ayon sa senador, kapag taliwas sa gustong mangyari o akusasyon ng isang kampo ang inilabas ng isang nais magbigay ng lehitimong ideya o solusyon, pauulanan ito ng troll ng tinatamaang bakuran kaya nalulubog ang totoong mensaheng dapat makarating sa nakararami o kinauukulan.

“You say something the DDS consider unflattering, you get branded a Yellow, and vice-versa. The truth is, that is not the real situation. There are many Filipinos who have their own stand on the issue,” sabi pa ni Lacson sa panayam ng dzRH.

Sa mga ganitong pagkakataon, pinayuhan ng senador ang publiko na ipagpatuloy lamang ang kanilang pagpuna sa mga nangyayari lalo na kung ito ay natutungkol sa kapakanan ng bayan.

“They should continue speaking their minds independently, especially in pursuit of our country’s national interest,” ani Lacson.

Sa usapin ng WPS, dapat umanong hindi kalimutan ng mga Pinoy ang kahalagahan na maipaalam sa mga susunod na henerasyon ang kayamanang ng mawawala sa bansa kapag tuluyang nakuha ng China ang mga lugar na inookupa nito.

“Dapat ipamulat natin sa kababayan natin ano ang nawawala sa atin ngayon at future generations pag ang West Philippine Sea pinabayaan natin. Dapat doon tungo ng usapan. Hindi pag-aawayan at magkukuwentahan kung magkano ang halaga ng donation na bakuna. Mga kababayan natin nako-confuse,” aypon pa kay Lacson.

Tatlong pagkakataon na ang naitatala ng mambabatas bilang insidente ng pangangamkam ng China sa Pilipinas, na kinabibilangan ng Scarborough Shoal, Panatag Shoal, at ang pinakahuli na Julian Felipe Reef.

“Ang masama pa, sa halip na iisa ang tinig natin, tayo-tayo mismo nagbabangayan. Pinapanood lang tayo ng China at maaring pinapalakpakan pa,” sambit pa ni Lacson kasabay ng panawagan na dapat ay palakasin ng pamahalaan ang alyansa sa mga bansang may kakayahang tumulong para sa balance of power sa WPS at ang pagkakaisa ng mga lider laban sa ginagawa ng nabanggit bansa.

The post West PH Sea nilulunod ng away politika – Lacson first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/west-ph-sea-nilulunod-ng-away-politika-lacson/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=west-ph-sea-nilulunod-ng-away-politika-lacson)