Inaprubahan ng Kamara de Representantes sa ikalawang pagbasa ang panukala na dagdagan ang social pension na natatanggap ng mga mahihirap na senior citizen.

Sa ilalim ng House Bill 9459 gagawin ng P1,000 ang kasalukuyang P500 pensyon.

Nakasaad din sa panukala ang pagsasagawa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng review kada dalawang taon upang makapagrekomenda ito na dagdagan ang pensyon.

Ang kwalipikadong makatanggap ng social pension ay ang mga senior citizen na walang natatanggap na pensyon at pinagkakakitaan.

Tinatayang 3 milyong senior citizen ang makikinabang sa panukala.

Ikinatuwa naman ni House Deputy Minority Leader at Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate ang pagpasa ng panukala.

Sa deliberasyon, ipinabura ni Zarate ang ‘very discriminatory qualification’ sa kasalukuyang batas kung saan ang mabibigyan ng social pension ay dapat magkasakit o may kapansanan.

“This approved bill admittedly is still far from our objective of a truly universal pension for the elderly, but, this is a big step since the expanded Senior Citizens law was passed in 2010. This is at least a boost to the meager funds our seniors have now for their food and medicine,” sabi ni Zarate.

The post Dagdag pensyon sa senior citizen aprub sa Kamara first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/dagdag-pensyon-sa-senior-citizen-aprub-sa-kamara/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=dagdag-pensyon-sa-senior-citizen-aprub-sa-kamara)