Inaprubahan ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang panukala na ideklarang mining free zone ang Davao Oriental.

Walang tumutol sa pagpasa ng panuklang Davao Oriental Mining Free Zone Act (House Bill 6563) na nakatanggap ng 219 boto.

Ang panukala ay akda nina Cavite Rep. Elpidio Barzaga Jr., at Davao Oriental Rep. Joel Mayo Almario.

Kapag naisabatas, wala ng ahensya ng gobyerno na pahihintulutan na magbigay ng permit na may kaugnayan sa pagmimina.

Ang mga permit at kontrata na ipinatutupad bago pa maisabatas ang panukala ay kikilalanin hanggang sa mag-expire o ma-terminate ang mga ito.

Ang mga taong lalabag sa panukala ay maaaring makulong ng anim hanggang 12 taon at pagmultahin ng P1 milyon hanggang P10 milyon.

Kung taga-gobyerno ang lumabas, tatanggalin ito sa serbisyo at hindi maaaring pumasok sa gobyerno.

Kung ang lalabag ay kompanya, ang papanagutin ay ang pinakamataas na opisyal nito kasama ang mga miyembro ng board of directors o board of trustees. 

The post Davao Oriental dineklarang mining free zone ng Kamara first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/davao-oriental-dineklarang-mining-free-zone-ng-kamara/)